Hindi tumitigil ang gobyerno sa paghahanap ng solusyon sa bahang nararanasan sa North Luzon Expressway (NLEX), bunsod ng mga pag-ulang dumaan sa Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kinakikitaan na ng pagbaba ng tubig sa northbound ng NLEX.
Tinatayang hindi na hihigit sa isang oras o naibaba na sa 45 minutes ang biyahe sa northbound ng naturang expressway.
Ang southbound aniya ng kalsada ang mas kailangan pang trabahuhin dahil kahit anong gawing pag-pump ng tubig, wala rin itong ibang pinupuntahan.
Ang nakikitang plano ng gobyerno ay paghuhukay sa ilang areas sa lugar upang doon muna pansamantalang manatili ang naipong tubig at hindi sa mismong kalsada.
Kaugnay nito, una nang inanunsyo ng Palasyo ang free toll passage para sa mga sasakyang dumadaan sa piling portions ng NLEX upang kahit papaano ay maibsan ang kanilang hirap sa biyahe.
Ayon kay PCO Usec. Claire Castro, base sa anunsyo ng DOTr, simula ngayong araw, exempted muna sa toll fee ang mga sasakyang bibiyahe sa pagitan ng Pulilan, Bulacan, at San Fernando, Pampanga.
