Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CDIG) Regional Field Unit 3 ang dalawang gasolinahan sa Zambales dahil sa iligal na pagbebenta ng langis.
Kasunod ito sa ikinasang operasyon katuwang ang iba pang yunit ng Pulisya sa Brgy. Inhobol, sa bayan ng Masinloc gayundin sa Brgy. Patrocinio, sa bayan naman ng San Narciso kamakalawa.
Nagresulta ito sa pagkaka-aresto ng limang indibidwal na pawang mga nagpapatakbo ng iligal na gasolinahan habang nakumpiska rin ang aabot sa mahigit ₱4-na milyong halaga ng mga ibinebentang krudo.
Giit ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahalaga ang mga beripikadong impormasyon na ipinaparating sa kanila ng publiko upang masawata ang mga iligal na gawain.
📸 PNP-CIDG

