Mahigpit na binabantayan ng Philippine National Police (PNP) ang mga lugar na apektado ng mga pagbaha dulot ng masamang panahong dala ng Habagat.
Kasunod nito, inatasan ni PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga hepe ng Pulisya na paigtingin ang pagmamanman sa mga binahang kalsada at expressway upang maalalayan ang mga motorista.
Ayon kay Nartatez, kinakailangan din ang prepositioning at estratehikong pag-deploy ng mga sasakyan ng pulisya bilang paghahanda sa mga emergency.
Gayundin sa mga anumang hindi kanais-nais na insidenteng maaaring mangyari dahil sa pagkaantala ng biyahe at matinding pagsisikip ng trapiko, gaya ng nangyari sa bahagi ng San Simon ng North Luzon Expressway (NLEX).
Magugunitang daan-daang motorista ang ilang oras na na-stranded sa bahagi ng San Simon ng NLEX matapos bahain ang lugar noong Biyernes at lumala ang sitwasyon nitong weekend.