Pinalalawak na ng pamahalaan ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr., kasama ang mga grupong nagsusulong ng konserbasyon at mga katutubong pamayanan (Indigenous Peoples o IPs), ang mga hakbangin upang protektahan ang critically endangered na Haribon o Philippine Eagle.
Mula sa proteksyong nakatuon sa Philippine Eagle Center (PEC), ililipat na rin ang atensyon sa mga kagubatan, ancestral domain, at biodiversity corridor sa Silangang Mindanao.
Inilunsad noong Martes, Setyembre 1, 2026, sa PEC sa Malagos, Lungsod ng Davao, ang dalawang mahalagang inisyatibo sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kasama ang Philippine Eagle Foundation (PEF), Department of Tourism (DOT) Region 11, National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at iba’t ibang pinuno ng katutubo.
Nalalabing Bilang ng Haribon: 392 Pares Na Lamang
Ayon kay PEF Director for Operations Jason Ibanes, tinatayang nasa 392 pares na lamang ng Philippine Eagle ang natitira sa buong Luzon, Eastern Visayas, at Mindanao. Bagama’t ang Mindanao pa rin ang pangunahing tirahan ng mga ito, patuloy silang nanganganib dahil sa pagkasira ng kagubatan at mga aksidenteng pagpatay o pagkakahuli sa bitag ng mga nakababata pang agila.
Binigyang-diin ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna ang kahalagahan ng mabilis na pag-aksyon upang mailigtas ang pambansang ibon mula sa tuluyang pagkalipol:
“Ang Philippine Eagle ay isang dakilang simbolo ng ating pambansang pagkakakilanlan at natural na pamana. Bawat bahagi ng kagubatan na ating napapanatiling buo, bawat aktibong pugad na ating nababantayan, at bawat maiiwasang pagkamatay ng agila ay direktang nakatutulong sa kaligtasan ng lahing ito.”
Dalawang Pangunahing Inisyatibo
- Pagpapalakas sa Philippine Eagle Center (PEC): Magsasagawa ng limang taong pagpaplano upang bumuo ng mga programa sa eco-cultural tourism, parkeng edukasyonal, at isang conservation academy. Kasama rito ang konsultasyon sa mga stakeholders, pagrepaso sa mga patakaran sa turismo, at pag-integrate ng katutubong kaalaman sa pamamahala ng kapaligiran.
- Konserbasyon sa Ancestral Domains: Papatatagin ang Ancestral Domain Sustainable Development and Protection Plan (ADSDPP) sa mga napiling ancestral domain sa loob ng Eastern Mindanao Biodiversity Corridor. Pagsasamahin sa planong ito ang katutubong pamamahala, kaalaman ng mga IP, at agham sa konserbasyon ng kalikasan.
Pagtutulungan ng Pamahalaan at Katutubo
Ipinaliwanag ni Cuna na mahalaga ang papel ng mga IP dahil karamihan sa mga pugad ng Philippine Eagle ay matatagpuan sa kanilang mga lupaing ninuno (ancestral domains).
Kabilang sa mga pagsasanay na ibibigay sa mga katutubo ay ang pamamahala sa mga watershed at tamang pagprotekta sa mga wild animals. Layunin din ng edukasyong ito na maipatigil ang pagbaril sa mga agila at maiwasan ang pagkahuli ng mga ito sa mga bitag (traps) na inilalagay para sa mga baboy-ramo o usa.
Pinasalamatan naman ni Datu Rodino Domogoy, pinuno ng tribong Manobo, ang DENR at PEF sa pagkilala sa kanilang kakayahan at karapatan bilang mga tagapangalaga ng kalikasan.
Nawagan din si Domogoy sa kapwa niya katutubo sa buong bansa na isapuso at isagawa ang pagprotekta sa kagubatan at mga likas na yaman na ipinamana ng kanilang mga ninuno.