Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang Toll Regulatory Board (TRB), gayundin ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX), na magpatupad ng epektibo at napapanahong pagbibigay-abiso hinggil sa pagbaha o flood warnings.
Ito’y para magabayan ang mga motorista hinggil sa lagay ng mga pangunahing lansangan at expressways sa tuwing masama ang panahon na nagdudulot ng malawakang pagbaha.
Ayon kay Transportation Sec. Giovanni “Banoy” Lopez, dapat proactive ang mga toll operator at isaalang-alang ang kaligtasan, gayundin ang kapakanan ng mga motorista, tuwing masama ang panahon.
Bukod sa flood warnings, inatasan din ni Lopez ang NLEX Corporation na isama sa kanilang mobile advisories ang rerouting at posibleng pagsasara ng mga lansangan dulot ng iba’t ibang kadahilanan.
Samantala, naglabas ng Notice to Explain ang TRB sa NLEX Corporation hinggil naman sa nangyaring gridlock ng mga sasakyan sa bahagi ng San Simon Interchange sa nakalipas na mga araw.
Sa kasalukuyan, tulung-tulong ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng pagbaha sa lugar, gaya ng Philippine Coast Guard (PCG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), TRB at DPWH, para agad na solusyunan ang problema.
Inanunsyo rin ngayon ng DOTr na libre na ang toll fee para sa mga sasakyang manggagaling sa Pulilan, Bulacan hanggang San Fernando, Pampanga, at vice versa, simula ngayong araw.
Personal na nakipag-ugnayan si Transportation Secretary Banoy Lopez kay NLEX Corporation President Luis Reñon upang ilibre ang toll fee mula Pulilan-San Fernando at San Fernando-Pulilan para sa lahat ng sasakyan.