Iniulat ng Pasuguan ng Pilipinas sa Indonesia na wala pang Pilipinong naapektuhan ng nagpapatuloy na wild fires sa Sumatra at Kalimantan regions.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Consul General Gonaranao Musor ng Philippine Embassy sa Indonesia, sinabi nito na kaunti lamang ang mga Pilipino sa apektadong rehiyon kaya’t maliit lamang din aniya ang posibilidad na maapektuhan ang mga ito.
Ayon kay Consul General Musor, tinatayang nasa 63 ang mga Pilipinong naninirahan at nagtatraho sa Kalimantan habang nasa 200 naman ang nasa Sumatra.
Ibinahagi rin nito na ang wild fires ay nasa mga kagubatan at kabundukan, malayo sa mga tinutuluyan ng mga Pinoy roon.
Sa kabila nito, malaking pahirap hindi lamang sa mga Pilipino kundi sa Indonesians na nasa apektadong rehiyon ang matinding air pollution na umabot na sa 780 ang air quality index o lubhang delikado sa kalusugan.
Samantala, tiniyak opisyal na tuloy-tuloy ang kanilang monitoring maging ng Indonesian Government mula sa patuloy na paglawak ng wild fires na umaabot na sa Sulawesi at iba bang karatig rehiyon dahil sa matinding tagtuyot na nararanasan sa Indonesia dulot ng El Niño.
Pinaalalahanan na rin ng nito ang mga Pilipino Community sa mga apektadong rehiyon na mag-ingat, lalo na ang mga may respiratory problem upang hindi lumala ang kanilang sitwasyon.