Target ng PhilHealth na ilunsad ang YAKAP 2.0 na may mas mahigpit na safeguards para matiyak na hindi magagamit ang pondo o benepisyo ng mga miyembro nang hindi nila nalalaman.
Ayon kay PhilHealth President and CEO Beverly Ho, kabilang sa mga planong ipatupad ang liveness check at biometrics para matiyak na ang aktuwal na pasyente ang sumasailalim sa serbisyo.
Sa pamamagitan din ng eGov app, masusubaybayan ng mga miyembro kung mayroon silang YAKAP provider at kung may claim na isinagawa para sa kanilang account.
Sinabi ni Ho na ilalagay rin sa app ang impormasyon kung may provider na nagsumite ng claim sa ngalan ng isang miyembro upang agad itong malaman kung hindi niya alam o hindi niya awtorisado ang transaksyon.
Ito ang tugon ni Ho sa pangamba ni Zamboanga del Norte Representative Michael Amatong tungkol sa mga ulat na may mga LGU na nag-e-enroll ng mga residente sa programa nang hindi nila nalalaman at ginagamit ang pondong nakalaan para sa kanila.
Binigyang-diin ni Ho na kailangan ding tiyakin ng PhilHealth na may sapat na kapasidad ang mga health provider para mabigyan ng tamang serbisyo ang lahat ng benepisyaryo, habang makikipagtulungan ang ahensya sa mga LGU para madagdagan ang mga provider sa kanilang lugar.