Sa pagtatanong ni Senator-Judge Bam Aquino sa Day 20 ng Impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinalakay ang halaga ng gastusin sa walong Youth Leadership Summit (YLS) na isinagawa noong 2023.
Ayon kay AFP Col. Manaros Boransing II, naglaan ang Army ng humigit-kumulang ₱30,000 bawat YLS activity, bagama’t may ilang gawain na umaabot sa ₱60,000, gaya ng isang YLS sa Lanao del Sur.
Sa estimation ng opisyal, hindi lalampas sa ₱500,000 ang kabuuang gastos ng Army para sa walong YLS.
Samantala, sinabi ni Boransing na ang mga local government unit (LGU) ang karaniwang sumasagot sa pagkain, t-shirts, at ilang team-building activities para sa mga kabataang participant.
Ang DepEd naman ay nakikipag-coordinate, nagpapagamit ng ilang pasilidad, at nagbibigay ng subject matter experts, bagama’t hindi masabi ni Boransing kung magkano ang gastusin ng ahensya para rito.
Kaugnay nito, kinuwestiyon ni Aquino ang ₱15-million na gastusin para sa pagkuha ng impormasyon at surveillance kaugnay ng mga event, lalo’t ayon sa testimonya, hindi umaabot sa ₱500,000 ang gastusin ng Army para sa walong YLS.
Tinanong ni Aquino si Boransing kung ano ang reaksyon nito sa ₱15-milyong gastusin ngayong alam na niya ang mga halaga.
Pero tumanggi ang aktibong AFP officer na magbigay ng personal na opinyon dahil patuloy pa aniya ang impeachment trial at hindi pa final ang desisyon ng Commission on Audit (COA).
Ayon kay Boransing, hindi rin niya alam noon na may pondo ang DepEd para sa mga naturang aktibidad at nalaman lamang niya ang halaga sa House hearing noong October 17, 2024.