Isinusulong ni Senador Kiko Pangilinan ang isang pambansang flood control policy na nakabatay sa isang integrated at science-based master plan.
Layon nitong maiwasan ang paku-pakong flood control projects na, ayon sa senador, ay nagsasayang lamang ng pondo ng gobyerno at maaaring magtulak ng baha mula sa isang komunidad patungo sa kalapit na lugar.
Giit ni Pangilinan, walang kinikilalang political boundary ang tubig kaya hindi dapat nakabatay sa congressional district, lalawigan o bayan ang pagpaplano ng flood control projects.
Aniya, kailangan ng isang malawak na master plan at malinaw na chain of accountability para sa bawat metropolitan area o major river basin.
Sa Metro Manila, iminumungkahi ni Pangilinan na manguna ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagpaplano, koordinasyon at pagmomonitor ng mga flood control project.
Dapat namang nakaayon sa isang master plan ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways, mga lokal na pamahalaan, water concessionaires at iba pang ahensya.
Sa labas ng Metro Manila, iminumungkahi ni Pangilinan na ibatay ang flood control programs sa buong river basin, gaya ng Pampanga, Agno, Cagayan, Bicol, Agus at Mindanao river basins.
Halimbawa, sa Central Luzon, dapat aniyang saklaw ng pagpaplano para sa Pampanga River Basin ang mga lugar na apektado ng magkakonektang daluyan ng tubig, kabilang ang Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan at Tarlac.
Iminumungkahi rin ng senador ang paglikha ng isang public database na maglalaman ng budget, contractor, specifications, timeline at lugar ng bawat flood control project, at kung paano ito nakaugnay sa master plan.
Pinatitiyak rin ni Senador Kiko na gagamitin sa pagpili ng mga proyekto ang hydrological studies, hazard maps, climate projections at iba pang scientific data.
Hiniling din ni Pangilinan ang independent audit ng mga proyekto, hindi lamang para suriin kung naitayo ang mga ito ayon sa plano, kundi kung talagang nakabawas ang mga ito sa baha at hindi nagdulot ng pagbaha sa ibang lugar.
Aniya, hindi dapat ituring na accomplishment ang maraming proyekto kung binabaha pa rin ang mga komunidad.
Kaugnay nito, naghain si Pangilinan ng Proposed Senate Resolution No. 592, na naglalayong magtatag ng integrated at evidence-based national flood management plan at magpakita ng malinaw na accounting sa mga gastusin para sa flood control.