Hinimok ni Senador Bam Aquino ang pamahalaan na isaalang-alang ang pag-alis ng 12 percent Value-Added Tax (VAT) sa singil sa kuryente ng mga kabahayan upang mabawasan ang mabigat na pasanin ng mga pamilyang Pilipino sa kanilang buwanang bayarin.
Sa ginanap na briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), binigyang-diin ni Aquino na ang pagbibigay ng VAT exemption sa residential electricity ay magdudulot ng malaking ginhawa sa mga mamamayan, lalo na kung isasabay ito sa mga hakbang para alisin ang system loss charges na nagdaragdag ng humigit-kumulang 5 hanggang 6 porsyento sa kabuuang singil.
“Kung tatanggalin po iyong VAT sa kuryente ng mga residential – hindi po mga negosyo, mga factory, but just residential – this could mean a bigger drop in the electricity bill of our citizens,” pahayag ng senador.
Mga Panukalang Batas na Inihain
Upang maisakatuparan ito, inihain ng senador ang mga sumusunod na panukala sa Senado:
Senate Bill No. 266: Layuning i-libre sa VAT ang pagbebenta ng kuryente mula sa mga generation, transmission, at distribution companies, pati na rin ang mga electric cooperative at mga serbisyo ng franchise grantees.
Senate Bill No. 2047: Naglalayong babaan ang pangkalahatang antas ng VAT mula 12 porsyento tungong 10 porsyento para sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang mga produktong petrolyo.
Imbestigasyon sa “Cross-Subsidy” System ng Meralco
Bukod sa mga panukalang batas, inihain din ni Aquino ang Senate Resolution No. 375 upang pormal na imbestigahan angakakailan lang na pagtaas ng singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco).
Nais ng senador na siyasatin kung bakit ang mga pamilyang nasa middle class ang pinapapasan sa mga pondo para sa subsidy ng mga marginalized sectors at senior citizens—tulad ng lifeline rate subsidy at iba pang pampublikong diskwento.
Ayon kay Aquino, ang kasalukuyang sistema ng cross-subsidy ay nagdaragdag ng P20 hanggang P100 bawat buwan sa bill ng isang karaniwang pamilya. Binigyang-diin niya na bagama’t mahalagang suportahan ang mga mahihirap, ang pondo para rito ay dapat magmula sa pambansang badyet ng pamahalaan at hindi dapat ipasa sa resibo ng iba pang nandarapa ring mga mamamayan.