Photo courtesy of COMELEC
Pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) na agahan ang iskedyul ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa pambansang halalan sa Mayo 2028.
Sa isang panayam sa radyo, inihayag ni Comelec Chairperson George Garcia na layon ng komisyon na idaos ang COC filing period sa gitna ng Setyembre 2027 sa halip na ang karaniwang unang bahagi ng Oktubre.
Iwas-Abala sa Pag-disqualify ng ‘Nuisance Candidates’
Paliwanag ni Garcia, ang mas maagang pagtatala ay magbibigay ng sapat na panahon sa poll body upang suriin ang mga dokumento ng mga nagnanais tumakbo, kabilang ang pag-imbestiga sa mga kontrobersyal na party-list group at pagdeklara sa mga tinaguriang nuisance candidates.
“Kung mas maaga ang filing, mas maagang masusuri ang mga COC. Magkakaroon ng panahon para sa sinumang gustong kumuwestiyon sa mga party-list group, at may oras din kami para resolbahin ang mga isyung ito,” ani Garcia.
Ikinatwiran din ng pinuno ng Comelec na maiiwasan nito ang mga problema sa pag-iimprenta ng opisyal na balota.
Gusto umano nilang maiwasan ang sitwasyon kung saan nag-iimprenta na ng mga balota ang Comelec ngunit biglang maglalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema pabor sa isang nakwestiyong kandidato—bagay na nagreresulta sa paulit-ulit at magastos na pag-imprenta.
Posibleng Pagtutol ng mga Appointive Officials
Binigyang-diin ni Garcia na ang kapangyarihang magbago ng iskedyul ng COC filing ay ganap na nakasalalay sa Comelec. Gayunpaman, inamin niyang may mga inaasahan silang tututol sa naturang plano.
Kabilang dito ang mga appointive government officials na nagnanais kumandidato, dahil sa ilalim ng batas, itinuturing na silang resigned sa kanilang mga posisyon sa sandaling maghain sila ng COC.
Ayon sa poll chief, napagkasunduan na ng pitong miyembro ng Comelec En Banc ang posibleng pagtatakda ng filing period mula Setyembre 20 hanggang Setyembre 27, 2027.
Inilabas ng Comelec ang maagang impormasyong ito upang magkaroon na ng paunang abiso ang mga pampublikong opisyal at indibidwal na nagpaplanong tumakbo sa 2028 presidential at vice presidential elections.