Iniutos na ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Rafael Calinisan ang masusing imbestigasyon sa reklamo ng isang 20-anyos na college student laban sa isang Police officer sa General Trias, Cavite, kaugnay ng umano’y pananakit at pagbabanta sa buhay.
Ayon sa estudyanteng si alyas “Ace,” naganap ang insidente alas-11:30 ng gabi noong August 27 sa Trece Martires City kung saan umano’y binangga ng pulis ang kanilang motorsiklo matapos siyang mag-U-turn, saka siya sinuntok, hinampas ng baril, minura at tinakot na papatayin.
Dinala rin umano sila sa Police station kung saan sinubukang ayusin ang insidente. Lumabas din umano sa breathalyzer test na nakainom ang pulis.
Ayon kay Calinisan, maaaring maharap ang pulis sa patong-patong na administrative charges na Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer, at posibleng matanggal sa serbisyo kung mapatutunayan ang mga alegasyon.
“Hindi tayo papayag na ang ordinaryong tao ay sasaktan, gigipitin, paduduguin, tatakutin o i-cover up ng sinumang pulis. Hangga’t nandito ang NAPOLCOM, maaasahan ng taongbayan na kikilos tayo at paninindigan natin ang kanilang karapatan. Para ito sa taongbayan. Makakaasa po kayong lahat,” ani Commissioner Calinisan.
Kaugnay nito, pinahaharap na rin ng NAPOLCOM ang sangkot na pulis at ang Police investigator sa komisyon ngayong Huwebes, September 3 para ipaliwanag ang kanilang panig bilang bahagi ng fact-finding process.
📸 NAPOLCOM

