Mahigpit ngayon ang monitoring ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) sa paglobo ng mga kaso ng Leptospirosis sa lungsod kasunod ng ilang linggong matinding pag-ulan at pagbaha.
Ayon sa surveillance update, umabot na sa 437 kaso ang naitala mula Enero hanggang Agosto 28, 2026 kung saan 296 kaso ang naitala mula August 1 hanggang 28, at may 10 pang namatay.
Pinakamataas din ang weekly count noong August 16 hanggang 22, na umabot sa 171 kaso at lampas sa epidemic threshold.
Sa kabuuang mga kaso, 234 o 79% ang nag-ulat ng exposure sa tubig-baha.
Dahil dito, patuloy na hinihikayat ng Quezon City Health Department ang publiko na iwasang lumusong sa baha at agad magpakonsulta kung makaranas ng sintomas ng Leptospirosis.