Nananatiling target ng House prosecution panel na matapos ang paghaharap ng kanilang mga ebidensya kaugnay ng umano’y maling paggamit ni Vice President Sara Duterte sa confidential funds bago mag September 9, bagamat hindi pa pinal ang kanilang listahan ng mga saksi.
Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, ang petsang unang inihayag ni lead prosecutor Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ay nananatiling isang working target at hindi pa pormal na huling deadline.
Inamin ni Ridon na ang haba ng cross-examination ng defense team at ang mga itatanong ng mga senator-judge ang pangunahing makakapagpabago sa timetable ng pagdinig.
Nang tanungin kung isasalang pa rin bilang saksi sina Ramil Madriaga at ang kontrobersyal na si “Mary Grace Piatos,”.
sinabi ni Ridon na ilalabas lamang ang pinal na lineup kapag malapit nang matapos ang presentasyon sa Article I. | ulat ni Melany Reyes