Binalaan ni House trial Spokesperson at impeachment Adviser Ace Barbers ang mga tauhan ng DepEd at OVP na maaaring sila ang personal na pumasan ng pananagutan sa kwestyonableng paglipat ng confidential funds—kahit pa itinuturong utos ito ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Barbers, malinaw sa Joint Circular No. 2015-01 na ang Special Disbursing Officer (SDO) ang may eksklusibong tungkulin sa paghawak at paggastos ng naturang pondo.
Batay sa mga nakaraang testimonya, inilipat umano nina dating OVP SDO Gina Acosta at dating DepEd SDO Edward Fajarda ang pondo sa mga security officer na sina Lachica at Dennis Nolasco alinsunod sa bilin ng Bise Presidente.
Binigyang-diin ng prosecution na ang pagpasa ng cash sa ibang opisyal ay direktang paglabag sa alituntunin ng COA.
Dagdag pa rito, bagama’t hiwalay ang pananagutan ni VP Duterte sa Senate Impeachment Court bilang pinuno ng ahensya, ang mga pumasailalim na opisyal at security officer ang posibleng “maiwan sa ere” at maharap sa mga hiwalay na kasong administratibo, sibil, o kriminal. | ulat ni Melany Reyes