Ikinatuwa ni Albay 3rd District Rep. Raymond Adrian Salceda ang opisyal na pagsasabatas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act No. 12325, na nagpapalawak sa saklaw ng Tertiary Education Subsidy (TES) para sa mga mahihirap na mag-aaral.
Ayon kay Salceda, isa itong malaking hakbang upang mas mapalawak ang oportunidad sa edukasyon ng mga disadvantaged na estudyante at ng kanilang mga pamilya.
Pinasalamatan din ng mambabatas ang Pangulo sa buong suporta nito sa naturang panukala, na kabilang sa mga priority bill ng administrasyon sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Aniya, nakakataba ng puso na mayroong Pangulo na pro-poor, pro-student, at pro-education.
Sa ilalim ng RA 12325, inamyendahan at pinalawak ang coverage ng TES sa ilalim ng Republic Act No. 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Sa bagong batas, awtomatiko nang makakasama sa subsidy ang mga kwalipikadong mahihirap na mag-aaral—kabilang ang mga kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)—kapag sila ay natanggap sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad na kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED) o sa mga state-run technical-vocational institution.