Namataan ng Philippine Coast Guard ang ilegal na paglalayag ng isang Chinese survey vessel sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas at sa loob ng 12-nautical-mile territorial sea ng Bajo de Masinloc.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, aabot na sa 25 araw ang operasyon ng naturang 76-meter survey vessel na Haiyang Dizhi Shihao sa loob ng EEZ ng bansa at halos tatlong linggo ring nanatili sa mismong territorial sea ng Bajo de Masinloc.
Una nang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang inisyung permit para sa marine scientific research ng nasabing barko.
Ayon kay Tarriela, sadyang sinamantala ng China ang masamang panahon upang makapasok sa lugar.
Sadyang pinapatay din aniya ng barko ang Automatic Identification System (AIS) nito upang itago ang kanilang kinaroroonan.
Gayunpaman, patuloy pa rin itong nasusubaybayan ng Pilipinas sa tulong ng Dark Vessel Detection program ng Canada.