Suportado ng grupong Digital Pinoys ang paggamit ng PhilSys para sa pagberipika ng pagkakakilanlan ng mga gumagamit ng social media at online gaming platforms.
Inihayag ni Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo na ito ang pinakamadali at pinakaligtas na pamamaraan upang mapatunayang totoong tao ang nasa likod ng isang online account nang hindi na ibinibigay ang mismong National ID sa mga pribadong kompanya.
Magiging malaking tulong din ang PhilSys upang matukoy at mabawasan ang mga account na pinatatakbo ng mga troll farm na sangkot naman sa mga insidente ng disinformation at panlilinlang.
Mahalagang makita ng pamahalaan ang merito nito, lalo’t isa sa mga tinututukan ngayon ng administrasyong Marcos Jr. ang pagsugpo at paglaban sa fake news at disinformation.
Ayon sa Digital Pinoys, bagama’t kinikilala nila ang karapatan ng publiko sa “anonymity” online, iginiit nilang hindi ito dapat gawing dahilan o panangga upang makaiwas sa pananagutan sa batas ang mga gumagawa ng online harassment at iba pang uri ng cybercrime.
Tiwala ang grupo na sa pamamagitan ng sistema ng PhilSys verification ay mabibigyan ng proteksiyon ang mga karaniwang gumagamit ng online platforms at internet habang napapanagot ang mga malisyoso at mapanganib na elemento sa digital space.