Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Department of Education (DepEd) na ituro sa mga kabataan at mag-aaral ang paggamit ng Emergency 911.
Sa pagdalo ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa ginanap na National Simultaneous School Safety Drill, iginiit nitong mahalagang malaman ng mga mag-aaral ang kanilang tatawagan tuwing mayroong karahasan sa loob at labas ng paaralan.
Mula nang mangyari ang mga insidente ng karahasan sa mga paaralan sa bansa ay nagpakalat na sila ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa labas ng mga paaralan.
Maging ang mga barangay tanod ay tumutulong na rin sa mga pampublikong paaralan para tingnan ang mga bag ng mga estudyante at matiyak na walang mga armas na dala ang mga ito.
Hirit pa ni Remulla na gumagana ang Emergency 911 ano man ang gamiting dayalekto at nakahandang rumesponde 24/7.
Iginiit din ng kalihim, na ito na rin ang tamang panahon upang magtiwala ang publiko sa mabilis na pag-aksiyon at pag-responde ng mga otoridad ano mang insidente o sakuna ang mangyari.