Maaga pa lang, pinaghahandaan na ng Philippine Army ang malalaking mga pagsasanay militar kasama ang mga kaalyadong bansa nito.
Iyan ay sa isinagawang Salaknib-Balikatan (SABAK) 2027 Commander’s Summit para plantsahin ang mga plano kasama ang Amerika, Japan, at Australia.
Sa kaniyang mensahe, inilatag ng Commanding General ng Philippine Army na si LtGen. Donald Gumiran ang kaniyang guidance para sa strategic planning at epektibong pagpapatupad ng Army-to-Army Salaknib Exercise.
Ang Salaknib ang magsisilbing paghahanda bago ang mas malawak na combined at joint Balikatan Exercise.
Sinuri rin ng mga opisyal ang resulta ng Initial Planning Conferences at Initial Site Surveys para sa SABAK 2027.
Dito rin pinagkasunduan ang mga layunin ng pagsasanay, mahahalagang desisyon sa pagpaplano, koordinasyon ng multinational training activities at paglalaan ng resources.
Sa pamamagitan ng bilateral at multilateral training, target ng Philippine Army na higit pang mapaunlad ang kakayahan ng ground forces at maihanda ang mga ito para sa external security operations.