Malaki ang naitulong ng pagtutok sa trabaho ni Speaker Faustino Dy III para muling makuha ng Kamara ang tiwala ng publiko.
Ito ang tinuran ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato Representative Ferdinand Hernandez kasunod ng resulta ng OCTA Research Tugon ng Masa survey, kung saan tumaas mula 36% sa unang quarter tungong 38% sa ikalawang quarter ng 2026 ang tiwala sa Kamara.
Bumaba naman mula 33% hanggang 28% ang hindi nagtitiwala sa institusyon, habang umakyat mula 35% sa 37% ang satisfaction rating nito.
Ayon kay Hernandez, patunay ito na unti-unti nang nakikita at naa-appreciate ng mga Pilipino ang trabaho ng Kamara sa ilalim ni Dy.
Aniya, nananatiling simple ang approach ng Speaker—magtrabaho, magpasa ng mahahalagang batas at hayaang ang resulta ang magsalita para sa kanila.
Sa ilalim ng liderato ni Dy, 28 panukalang batas na kabilang sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang naaprubahan na ng Kamara.
Gayunman, sinabi ni Hernandez na kailangan pang pagbutihin ng buong institusyon ang trabaho upang tuluyang makuha muli ang tiwala ng publiko.