Itinutulak ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. na ibaba sa 12-anyos mula sa kasalukuyang 15-anyos ang minimum age of criminal responsibility.
Ayon kay Garbin, kailangan ito para mapanagot ang mga menor de edad na sangkot sa karumaldumal na mga krimen na may kakayahang umunawa sa bunga ng kanilang mga ginawa.
Kasunod ito ng mga insidenteng kinasangkutan ng mga menor de edad sa pamamaril sa Tacloban at Zamboanga.
Hindi aniya layunin ng panukala na talikuran ang mga prinsipyong nakasentro sa kapakanan ng bata at restorative justice na nakapaloob sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Sa ilalim ng House Bill 10334, mananatiling hindi makakasuhan ang mga batang 12-anyos pababa, habang maaaring sampahan ng kaso ang higit 12-anyos sa ilang mabibigat na krimen kung mapapatunayang may discernment.
Kabilang dito ang murder, kidnapping, parricide, infanticide, carnapping na nagresulta sa kamatayan, at drug offenses na may parusa na higit sa 12 taong pagkakakulong.
Mananatili pa rin naman aniya ang mga proteksiyon para sa mga bata tulad ng diversion programs, confidentiality ng juvenile records, at intervention para sa mga children in conflict with the law.
Nanawagan din siya ng mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan at pananagutan ng mga magulang o guardian na nagpabaya sa pag-iingat ng baril na maaaring magamit ng mga menor de edad sa krimen.