Puspusan ang ginagawang udjustment ng mga ospital lalo na sa Metro Manila para makapag-accomodate ng mga pasyenteng may Leptospirosis.
Ayon sa Department of Health (DOH), ito ay dahil sa malapit nang mapuno ang ilang ospital sa Kamaynilaan dahil sa naturang sakit.
Sa naging panayam sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kay Health Undersecretary Gloria Balboa, sinabi nitong nasa full capacity na ang nasa apat (4) na ospital sa bansa gaya ng East Avenue Medical Center, Jose Reyes Memorial Medical Center, San Lazaro Hospital, at National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
Kaugnay nito, sinabi ni Balboa na patuloy sa pagdaragdag ng mga kama ang ibang ospital para makapagtanggap pa ng mga isinusugod na pasyente.
Base sa datos ng DOH mula January hanggang August 29 ngayong taon, umabot na 6,253 cases ng Leptospirosis ang kanilang naitala sa buong bansa kung saan 378 dito ang nasawi.
Gayunman, mas mababa pa rin ito ng 12% kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Magugunitang kahapon, nagpulong ang DOH, MMDA at mga kinatawan ng iba’t ibang Lokal na Pamahalaan sa Metro Manila kung saan, tinalakay ang mga paraan na maaaring gawin para mapigilan ang pagdami ng sakit.
Kasama sa natalakay ang mabilis na pamamahagi na ng Doxycycline gayundin ang access sa health care professionals kung saan kokonsulta ang mga lumusong sa baha.