Bistado ang isang planta na ginagamit umano sa paggawa ng mga pekeng plaka at dokumento sa isinagawang entrapment operation ng Land Transportation Office (LTO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Barangay Tugatog, Malabon City.
Dalawang indibidwal din ang naaresto matapos maaktuhang nagsasagawa ng iligal na transaksyon.
Nag-ugat ang operasyon sa impormasyong nakarating sa LTO tungkol sa iligal na aktibidad, na agad bineripika at isinailalim sa imbestigasyon ng Intelligence and Investigation Division (IID).
Sa isinagawang raid, natukoy na ginagamit ang isang inuupahang lugar bilang pagawaan at imbakan ng mga pekeng plaka at dokumento ng LTO bago ipamahagi sa mga mamimili. Kabilang dito ang mga pekeng lisensya sa pagmamaneho.
Nasa kustodiya na ng CIDG ang mga naaresto at mga nakumpiskang ebidensya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga sangkot, batay sa resulta ng imbestigasyon.
Iginiit naman ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na hindi niya hahayaang magamit ang pangalan ng ahensya sa mga iligal na gawain.
“Hindi ko hahayaang gamitin ang pangalan ng LTO sa mga iligal na gawain. Hahabulin namin ang mga gumagamit, gumagawa, at nagbebenta ng pekeng plaka at dokumento at sisiguraduhing mananagot sila,” pahayag ni Asec. Lacanilao.
Hinikayat din nito ang publiko na iwasang makipagtransaksyon sa mga nag-aalok ng pekeng plaka o dokumento at agad na ipagbigay-alam sa ahensya ang anumang kahina-hinalang iligal na transaksyon.
📸 LTO

