Nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na agad i-report sa kanilang financial institution ang anumang transaksiyong pinaghihinalaang scam upang magkaroon ng pagkakataong ma-hold at mabawi ang disputed funds.
Sa ilalim ng Anti-Financial Account Scamming Act o AFASA at BSP Circular No. 1215, maaaring i-verify ng financial institution ang transaksyon, makipag-ugnayan sa ibang institusyong dinaanan ng pera, at pansamantalang pigilan ang paggalaw ng pondo kung hindi pa ito naililipat o nawi-withdraw.
Nilinaw ng BSP, na hindi awtomatiko ang refund. Mas malaki ang posibilidad na maibalik ang pera kung mabilis na nai-report ang insidente, naisumite ang kinakailangang dokumento, at napatunayang ang fund transfer ay dulot ng scam o ilegal na gawain.
Maaari ring managot ang financial institution kung mapatunayang hindi ito nagpatupad ng sapat na fraud risk management system o hindi nasunod ang temporary holding at coordinated verification na itinatadhana ng batas.
Paalala ng BSP, huwag magbahagi ng OTP, PIN, password, at iba pang sensitibong impormasyon, at gumamit lamang ng opisyal na channels ng bangko o financial institution sa pagre-report ng scam.