Kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na tinutugunan nito ngayon ang ilang cyber threats na na-detect sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Kabilang dito ang unauthorized access sa website ng Department of Migrant Workers (DMW) at web defacement sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa DMW, agad na ipinatupad ang access-control hardening at system isolation habang isinasagawa ang forensic investigation at system recovery. Sa DOLE naman, agad na na-isolate ang apektadong system at isinailalim sa digital forensics.
Sa inisyal namang assessment ng DICT, walang nakompromisong sensitibong database o personally identifiable information sa mga site.
Bilang pag-iingat, pansamantalang isinara offline ang mga apektadong web services ng DMW at DOLE habang tinatapos ang imbestigasyon at security hardening.
Samantala, iniulat din ang umano’y ransomware attack sa Philippine Ports Authority (PPA) ngunit matapos ang technical assessment ay nakumpirmang false positive ang ulat at walang ransomware activity o system compromise.
