Matapos ang paghahain ng kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, iginiit ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi personal ang kanilang aksyon at bahagi lamang ito ng kanilang mandato na panagutin ang mga sangkot sa pag-abuso sa pondo ng gobyerno.
Giit ni Remulla, hindi bias ang Ombudsman dahil panig ito sa taumbayan at hindi sa alinmang kampo. Pinauubaya na rin nito sa korte ang pagdedesisyon sa kaso.
Ayon kay Remulla, matagal na pinaghandaan ang reklamo at hindi naging madali ang pagbuo nito dahil nakabatay sa mga nakalap na ebidensya.
Binigyang-diin din niyang simula pa lamang ito ng mas malawak na imbestigasyon at may karagdagan pang kaso ang inihahanda laban kay Romualdez kabilang ang bribery, money laundering, at karagdagang plunder cases.
Patuloy aniya ang imbestigasyon dahil hindi maaaring maantala ang hustisya at kailangang mapanagot ang mga sangkot sa pag-abuso sa pondo ng gobyerno.