Photo courtesy of Senate of the Philippines
Itinakda ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero sa September 23 ang pagpapasya at botohan ng mga senator-judges kung pananatilihin ang 24-member voting base o babaguhin ang bilang ng mga senador na pagbabatayan sa pagbilang ng boto para sa conviction o acquittal ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial.
Kasunod ito ng pagtatanong ni Senator-judge Erwin Tulfo tungkol sa mga senador na maaaring hindi makadalo o makalahok nang personal sa final voting sa impeachment trial.
Bilang tugon sa tanong ni Tulfo, itinakda ni Escudero sa September 16 ang pagdinig sa mga amicus curiae o “friends of the court,” habang sa September 23 naman isasagawa ang oral arguments ng mga partido bago bumoto ang mga senator-judge.
Dahil dito, hindi muna magkakaroon ng impeachment trial sa September 16 dahil ilalaan ang buong araw sa pagdinig sa mga amicus curiae o mga legal experts tungkol sa voting threshold sa impeachment trial.
Ipinaliwanag ng Presiding Officer na maaaring kabilang sa mga amicus curiae na iimbitahan ang mga retiradong mahistrado ng Korte Suprema at iba pang eksperto sa batas na makatutulong sa mga senator-judge sa pagresolba sa usapin.
Ayon kay Escudero, mahalagang marinig ang kanilang malawak na kaalaman sa Konstitusyon at karanasan sa mga usaping legal, maging pabor man o taliwas sa panig ng alinmang partido ang kanilang pananaw.
Wala pa ring inilalabas na pangalan ang Impeachment Court dahil kailangan pa aniyang makausap at makumpirma kung available at handang dumalo ang mga ito sa pagdinig sa September 16.
Sinabi ni Escudero na nakapagkonsulta na siya sa prosecution at defense teams tungkol sa mga posibleng pangalan at may mga napagkasunduan na ring maaaring imbitahan. Matapos ang pagdinig sa amicus curiae at oral arguments ng magkabilang panig, boboto ang mga senator-judge sa usapin ng voting threshold sa September 23.