Nanawagan si Senator-Judge Erwin Tulfo na agad pag-usapan ng Senate Impeachment Court kung sinu-sino sa mga senador ang maaaring bumoto sa final question ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte, lalo’t patuloy na nagbabago ang iskedyul at napapabilis ang paglilitis.
Sa kanyang manifestation sa pagdinig, sinabi ni Tulfo na maaaring dumating nang mas maaga kaysa inaasahan ang botohan, lalo na matapos bawasan ng prosecution ang ilan sa mga testigong nais nitong iharap.
Ayon kay Tulfo, may ilang miyembro ng Senado na kasalukuyang hindi dumadalo sa paglilitis dahil nasa labas sila ng bansa, nagtatago, nakakulong o nasa kustodiya ng ibang ahensya.
Dahil dito, nais niyang malinaw kung maaari pa ring bumoto ang mga senador na hindi nakakadalo sa trial kapag isinagawa na ang final voting.
Ipinunto rin niya ang naging ruling ni Presiding Officer Sen. Chiz Escudero noong unang araw ng paglilitis noong July 6, kung saan ginamit bilang voting base ang kabuuang membership ng Senado.
Ngunit binanggit ni Tulfo ang desisyon sa Avelino V. Cuenco, na ayon sa kanya ay kumikilala lamang sa mga miyembrong nasa loob ng coercive jurisdiction ng Senado para sa pagtukoy ng quorum at voting base.
Nilinaw ni Tulfo na hindi niya layuning ibaba ang kinakailangang bilang ng boto para sa conviction.
Nagbabala siya na kung mananatiling nakatali sa 24 ang voting base kahit may mga senador na hindi makadalo o hindi maaabot ng hurisdiksyon ng Senado, maaaring mauwi ito sa tinawag niyang “acquittal by default.”
Binigyang diin rin ni Senator-Judge Erwin na mahalagang timbangin ang dalawang constitutional principles, ang sinadyang pagpapahirap sa proseso ng impeachment at ang mandato ng Konstitusyon na papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno.
Dahil dito, iminungkahi ni Tulfo na agad nang talakayin at pagdesisyunan ng Senate Impeachment Court ang usapin bago pa man sumapit ang final voting.
Aniya, kailangan itong malinaw hindi lamang para sa mga senador kundi maging sa publiko, lalo’t mabilis na nagbabago ang direksyon at schedule ng paglilitis. Sinabi rin ni Tulfo na dapat maging patas ang proseso sa lahat, kabilang na kay Vice President Duterte, na aniya ay tiyak ding nais ang isang mabilis pero patas na paglilitis.