Nagmomonitor ngayon ang Philippine Airlines o PAL sa epekto ng ipinatupad na ground stop ng United States Federal Aviation Administration o FAA, na nakaapekto sa operasyon ng air traffic sa iba’t ibang bahagi ng Amerika.
Ayon sa PAL, pinayagan namang magpatuloy sa kanilang destinasyon ang mga eroplanong patungong United States na nasa himpapawid na nang ipatupad ang nasabing ground stop.
Patuloy namang minomonitor ng airline ang bawat flight na papunta at paalis sa mga paliparan sa United States.
Pinayuhan naman ng PAL ang mga pasahero na regular na suriin ang kanilang flight status sa pamamagitan ng mga opisyal na communication channel ng airline para sa mga pinakabagong anunsyo at posibleng pagbabago sa kanilang biyahe.