Inaasahang magdudulot ng konkretong benepisyo sa mga Pilipino ang pagiging punong-abala ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa susunod na taon.
Kabilang sa mga pangunahing isusulong ang seguridad sa enerhiya at pagkain, gayundin ang proteksyon at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Foreign Affairs Executive Director Dominic Xavier M. Imperial, kabilang sa mga pag-uusapan ng mga lider ng ASEAN ang mga hakbang para matugunan ang epekto ng krisis sa Middle East sa sitwasyon ng enerhiya.
Inaasahan din ang mga desisyon ukol sa pagpapalakas ng food security sa rehiyon.
Bibigyang-pansin din ang lumalalang banta ng mga krimeng tumatawid sa iba’t ibang bansa, kabilang ang online crimes. Umaasa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magbubunga ang mga pagpupulong ng ASEAN ng mga konkretong hakbang na direktang mapapakinabangan ng mga Pilipino.