Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines na magde-deploy sila ng mga shore-based anti-ship missiles (SBASMs) bilang bahagi ng gaganaping 10th iteration ng AFP Joint Exercise Dagat-Langit-Lupa o AJEX-DAGITPA ngayong buwan.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, isasagawa ang mga naturang pagsasanay mula Nobyembre 17 hanggang 27 sa iba’t ibang rehiyon kabilang ang Northern Luzon, Western Command, at National Capital Region.
Aniya ang pag-deploy ng mga SBASM sa Bolinao, Pangasinan ay nakatutok sa pag-suporta sa joint maritime strike operation ng militar.
Layunin ng nasabing taunang joint exercise na patatagin ang kakayahan ng Hukbong Sandatahan na kumilos bilang iisang nagkakaisang puwersa sa pamamagitan ng koordinasyon sa lupa, himpapawid, karagatan, gayundin sa cyber at information domain.