Magiging todo-higpit ang ipatutupad na security protocols ng Armed Forces of the Philippines o AFP para sa gaganaping 49th ASEAN Summit sa Pilipinas.
Sa panyaam ng PTV kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, mula pagdating sa paliparan hanggang sa pagpunta ng mga ASEAN leader, dignitaries at delegates ay magiging mahigpit ang security protocol ng AFP.
Partikular ngang tututukan ng Presidential Security Command o PSC ang kaligtasan at seguridad ng mga ASEAN leader at kanilang mga kinatawan.
Magiging bantay-sarado rin ng AFP ang lahat ng hotel, summit venue at iba pang dadaanang ruta ng mga ASEAN leader at delegates.
Makatitiyak din ang publiko na kasama rin sa kordon ng seguridad ang mga Pilipinong makikilahok at makikiisa sa gaganaping ASEAN Summit. Sa ngayon tuloy pa rin ang threat monitoring ng AFP kasama ang iba pang puwersa ng otoridad.