Tuluyan nang binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng drayber ng SUV na ginamit bilang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Patrol Vehicle matapos mapatunayang sangkot sa mga paglabag, kabilang ang paggamit ng plakang nakatalaga sa ibang sasakyan at pagdaan sa EDSA Busway.
Sa beripikasyon ng LTO, lumitaw na pribadong sasakyan ang SUV at hindi tugma ang plaka nito sa rekord. Nakitaan din ito ng hindi awtorisadong MMDA markings, sirena, at blinker.
Matapos ang imbestigasyon sa dalawang insidente, idineklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle ang drayber.
Nananatiling naka-impound naman sa LTO Central Office ang SUV at iniutos na rin ang pagtanggal sa mga hindi awtorisadong MMDA markings, sirena, at blinker.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, walang dapat mapalampas sa paglabag sa batas-trapiko, anuman ang ranggo o posisyon ng sangkot.