Hindi bababa sa tatlong amicus curiae o “friends of the court” ang inaasahang iimbitahan ng Impeachment Court para tumulong sa pagresolba sa isyu sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, maaaring kabilang sa mga iimbitahan ang mga retiradong mahistrado ng Korte Suprema at iba pang legal luminaries, lalo na ang mga eksperto sa constitutional law.
Hindi naman aniya maaaring maging amicus curiae ang mga kasalukuyang mahistrado ng Supreme Court dahil posibleng umakyat din sa Korte Suprema ang usapin tungkol sa voting threshold.
Ayon kay Tongol, wala pang pinal na listahan ng mga iimbitahan pero maaari itong ilabas anumang araw ngayong linggo.
Hindi rin inaalis ni Tongol ang posibilidad na ipaubaya sa Korte Suprema ang pagresolba sa usapin ng voting threshold.
Aniya, maaaring ihayag ng isang amicus curiae ang pananaw na hindi na dapat bumoto ang mga senator-judge at sa halip ay hayaang ang Supreme Court ang magdesisyon sa isyu.
Maaari rin aniyang igiit ng alinman sa mga partido sa impeachment case ang ganitong posisyon.
Sa September 16 nakatakda ang pagdinig para sa mga amicus curiae, habang sa September 23 naman isasagawa ang oral arguments ng mga partido.
Pagkatapos ng mga argumento, hindi na si Escudero ang magbibigay ng ruling dahil ang kanyang naunang desisyon ay naapela na.
Kaya naman matapos ang oral arguments, ang mga senator-judge na ang boboto sa usapin, alinsunod sa Rules 22 at 6 ng Senate Impeachment Rules, gamit ang “simple majority” ng mga bumubuo sa quorum.