Hiwalay pang pag-uusapan at posibleng botohan ng mga senator-judge ang eksaktong bilang ng magiging voting threshold sakaling aprubahan na baligtarin ang naunang ruling na nagtakda ng 16 na boto para sa conviction kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, sa ngayon ang nakatakda palang pag-usapan at pagbotohan sa September 23 ay kung ire-reverse o hindi ang naging ruling ng Presiding Officer noong July 6.
Kapag nakuha ang majority vote para baligtarin ang ruling, hindi na magiging “hard 16” ang requirement para sa final vote.
Gayunman, hindi pa malinaw kung ano ang magiging bagong bilang ng kinakailangang boto.
Sinabi ni Tongol na posibleng magkaroon pa ng hiwalay na botohan para tukuyin kung gaano kababa o kung ilan talaga ang magiging bagong threshold.
Ayon kay Tongol, maaari ring maisabay na sa unang botohan ang tanong tungkol sa bagong bilang, depende sa magiging desisyon ng mga senator-judge kung paano nila hahatiin ang mga isyung pagbobotohan.