Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang no-build zones sa mga lugar na delikado sa pagbaha at iba pang kalamidad.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang mga hakbang para mailayo ang mga komunidad sa mga lugar na mataas ang panganib sa sakuna.
Ayon sa DILG, dapat unahin ng mga LGU ang kaligtasan ng publiko sa kanilang land-use at development planning, at tiyaking nasusunod ang mga batas sa pagtatayo ng gusali, kalikasan, at disaster risk reduction.
Kabilang sa mga legal na batayan ang National Building Code at Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010. Binigyang-diin ng DILG na mahalaga ang mahigpit at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga patakaran bago pa man mangyari ang sakuna.