Hiniling ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa House Committee on Appropriations ang dagdag na ₱43.1 bilyon na pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) sa 2027.
Sa budget hearing, sinabi ni Gatchalian na mahalagang maibalik man lang sa kasalukuyang antas ang pondo ng AICS.
Mula sa ₱63 bilyon ngayong 2026 nasa ₱33 bilyon lamang ang naipasok na pondo sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP).
Ipinaliwanag ni Gatchalian na mabilis nang nauubos ang kasalukuyang pondo dahil sa mga hindi inaasahang krisis, kabilang ang energy emergency, mga kalamidad, at iba pang state of calamities sa bansa.
Ayon sa kalihim, nasa 70% na ng ₱63.4-bilyong AICS allocation ang nagamit, hiwalay pa ito sas ₱10 bilyon na inilaan para sa transport assistance dahil sa energy emergency.
Tinataya ng DSWD na aabot sa ₱70 bilyon hanggang ₱75 bilyon ang kabuuang pangangailangan para sa AICS ngayong taon, dahil sa patuloy na pagtugon sa mga kalamidad, kabilang ang epekto ng habagat, lindol, at iba pang state of calamities.
Diin ni Gatchalian na kung mananatili sa ₱33 bilyon ang AICS budget sa 2027 at hindi maaprubahan ang hinihinging augmentation, tinatayang 4.08 milyong indibidwal na nasa krisis ang maaaring hindi mapagkalooban ng ayuda.