Photo courtesy of Manila International Book Fair
Pormal nang nagsimula ngayong September 9, 2026 ang Manila International Book Fair (MIBF) 2026, isa sa pinakamalaki at pinakaaabangang book fair sa bansa.
Gaganapin ang limang araw na event hanggang September 13, mula 10:00 AM hanggang 8:00 PM, sa SMX Convention Center Manila sa Pasay City, tampok ang mga aklat, kuwento, at iba’t ibang aktibidad para sa mga book enthusiast.

Sa loob ng mahigit apat na dekada, naging mahalagang bahagi na ng kultura ng pagbabasa ng mga Pilipino ang MIBF. Pinagsasama nito sa iisang lugar ang mga mambabasa, manunulat, publisher, bookseller, guro, estudyante, at iba pang miyembro ng book community.
Bitbit ngayong taon ang temang “GET LIT: Reading in a New Light,” na nagbibigay-diin sa patuloy na pagbabago ng paraan kung paano nakaaapekto ang mga aklat sa ating buhay, mula sa mga bagong format at pamagat hanggang sa mga kuwentong maaaring maghatid ng panibagong pananaw.
Mahigit 100 exhibitors ang tampok sa dalawang palapag ng exhibition space, kabilang ang mga lokal at international publisher na nag-aalok ng kanilang mga bagong likha. Maaari ring makiisa ang mga bisita sa book launches, book signings, talks, workshops, panel discussions, at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa pagbabasa at panitikan.

Higit pa sa pagbili ng mga aklat, layunin ng MIBF na itaguyod ang kultura ng pagbabasa, suportahan ang industriya ng paglalathala sa Pilipinas, at lumikha ng espasyo para sa matibay na ugnayan at palitan ng mga ideya sa pagitan ng mga mambabasa, manunulat, publisher, at iba pang bahagi ng book community.
Taun-taon ay umaabot sa mahigit 120,000 na mga bisita ang dumadayo sa MIBF hindi lamang para maghanap ng bagong babasahin, kundi para tumuklas ng bagong kaalaman, makilala ang mga manunulat, at makibahagi sa komunidad na patuloy na nagbibigay-halaga sa kapangyarihan ng mga kuwento.
Para sa mga nais dumalo, ang general admission ay nagkakahalaga ng ₱50 habang ₱35 naman para sa mga estudyante, senior citizen, at PWD na may valid ID. Maaaring bumili ng tiket online sa SM Tickets o bumisita onsite.
Ipagpatuloy natin ang pagmamahal sa pagbabasa at suportahan ang patuloy na pag-usbong ng ating literary community.