Ikinalugod ng ilang mambabatas ang pagbasura ng Quezon City Prosecutor’s Office sa reklamong isinampa ni Atty. Mans Carpio laban sa mga House prosecutors at iba pang mambabatas.
Ayon kay House Prosecutor at Bicol Saro party-list Representative Terry Ridon, tama lamang na ibasura ang aniya’y malisyoso at walang batayang reklamo laban sa kanila.
Giit naman ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila De Lima, miyembro rin ng prosekuyson, welcome development ito dahil aniya, isa lamang itong harassment suit na layong takutin ang mga mambabatas na ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Sinabi ni De Lima na magpapatuloy sila sa pagsusulong ng transparency at accountability, at haharapin ang anumang paniniil at pang-aabuso para sa katotohanan, hustisya at pananagutan.
Samantala, sinabi ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na walang saysay ang reklamo dahil bahagi ng constitutional duty ng House Committee on Justice ang pagbusisi sa ebidensya kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte. Sa halip aniya na magsampa ng kaso laban sa mga mambabatas at kritiko, dapat harapin ni VP Sara ang impeachment proceedings at ipaliwanag sa taumbayan ang umano’y bilyun-bilyong pisong bank transactions at tagong yaman na naging ugat ng usapin.