Photo courtesy of National Historical Commission of the Philippines
Hindi lahat ng digmaan ay idinadaan sa karahasan. Sa kasaysayan ng Pilipinas, si Marcelo H. del Pilar o Plaridel ang nagpatunay na ang pluma ay mas matalas pa sa tabak. Siya ang kinikilalang “Dakilang Propagandista” at Ama ng Peryodismong Pilipino na buong tapang na lumaban sa mapang-abusong kolonyalismong Espanyol.
Ipinanganak noong Agosto 30, 1850 sa Bulacan, tinalikdan ng lisensyadong abogadong ito ang marangyang buhay upang ipagtanggol ang mga naaaping kababayan. Noong 1882, itinatag niya ang Diariong Tagalog upang gisingin ang makabayang damdamin ng masa gamit ang sariling wika. Kilala siya sa kanyang matatalas at mapang-uyam na akda tulad ng Dasalan at Tocsohan na bumatikos sa huwad na kabanalan ng mga prayle.

Dahil sa banta sa kanyang buhay, tumakas siya patungong Espanya noong 1888 kung saan pinamunuan niya ang Kilusang Propaganda at naging patnugot ng pahayagang La Solidaridad.
Sa kabila ng kanyang kasikatan, dumanas siya ng matinding gutom, kahirapan, at pangungulila sa ibang bansa. Umabot pa sa puntong namumulot siya ng upos ng sigarilyo sa daan para lang maibsan ang lamig habang patuloy na nagsusulat para sa kalayaan ng Pilipinas.
Binawian ng buhay si Marcelo del Pilar dahil sa sakit na tuberkulosis noong Hulyo 4, 1896 sa Barcelona.
Ang kanyang pamana ay nananatiling buhay hanggang ngayon — isang paalala na ang malayang pamamahayag at pagtayo para sa katotohanan ang pinakamalakas na sandata laban sa anumang uri ng opresyon.
Ayon kay Ericson Jose P. Dublas, Shrine Curator II ng Museo ni Marcelo H. del Pilar, si Plaridel ay isang dakilang bayani na nagpakita ng pambihirang tapang, talino, at galing sa paggamit ng pluma sa pakikibaka para sa bayan.
Sa ilalim ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), itinatampok din sa kaniyang dambana ang pagiging makatao ni del Pilar — ang kanyang malalim na sakripisyo bilang isang mapagmahal na ama at asawa na tinalikdan ang personal na komportableng buhay para sa isang mas dakilang layunin.
