Inilatag na ng Department of Energy (DOE) ang magiging papel nito para sa development ng Artificial Intelligence (AI) Infrastructure sa bansa sa ilalim ng Philippines AI+ Infrastructure Masterplan 2026-2033 (PAIIM).
Ayon kay Energy Undersecretary Maria Francesca Del Rosario, inaasahang gagamit ang Pilipinas na hindi bababa sa 150,000 hanggang 200,000 graphics processing units (GPU) na nangangahulugan ng mas malaking konsumo sa kuryente.
Kaya naman kasama na sa plano ngayon ng DOE ang pagpapalaki ng 30 ulit ng baseline energy capacity nito upang mapagana ang mga AI data center.
Mula kasi sa baseline na 50 megawatts hanggang 400 megawatts sa taong 2029 ay binabalak itong itaas patalon sa 1.5 gigawatts para sa taong 2033.
Pagtitiyak naman ng DOE na hindi nito maaapektuhan ang suplay ng kuryente sa mga kabahayan at iba pang industriya dahil kasado na rin ang plano para sa iba pang energy resource na pagkukunan ng enerhiya para sa AI data centers.
Sa ilalim ng PAIIM 2026-2033, kabilang sa mga immediate power resources ay ang natural gas plants, habang ang 40 percent naman ng total power requirement ay kukunin na sa renewable energy sources tulad ng solar at geothermal energy.
Kabilang din sa mga tinitignan ng DOE bilang mas pang-matagalag energy source option ang nuclear energy na saklaw naman ng PhilATOM Act.