Umapela ang Department of Labor and Employment (DOLE) na dagdagan at maibalik man lang sa 2026 level ang budget para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) at sa Dole Integrated Livelihood Program (DILP) sa 2027.
Sa budget briefing, sinabi ng DOLE na mahigit 932,000 benepisyaryo na ang napagkalooban ng emergency employment sa ilalim ng TUPAD hanggang Agosto ngayong taon, habang nasa 36,000 indibidwal naman ang nabigyan ng livelihood assistance sa ilalim ng DILP.
Sa 2027 National Expenditure Program (NEP), ₱11.03 bilyon lamang ang inilaan para sa TUPAD mula sa mahigit ₱21 bilyon ngayong 2026.
Ayon sa Labor Department, hindi sapat ang naturang pondo para matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawang apektado ng kawalan ng trabaho, kalamidad, at iba pang emergency.
Kung maibabalik sa 2026 level ang pondo, sinabi ng DOLE na maaari nitong maabot ang halos 932,000 TUPAD beneficiaries; kaya humihirit ito ng ₱10.25 bilyong augmentation na magbibigay-daan para madagdagan ang mga mapaglilingkuran ng programa.
Samantala, binawasan din ng ₱462 milyon ang pondo para sa DILP—mula ₱2.689 bilyon ngayong 2026 tungo sa ₱2.227 bilyon sa 2027.
Sa ilalim ng 2027 proposal, target ng DOLE na matulungan ang 43,748 benepisyaryo ng DILP.
Giit ng ahensya na mahalagang mapanatili ang sapat na pondo para sa livelihood projects na makatutulong sa mga manggagawang nais magkaroon ng pangmatagalang pagkakakitaan.