Photo courtesy of Presidential Communications Office
Nagpaabot ng pagbati sina Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes at Manila 3rd District Representative Joel Chua kay dating senador at boxing champion Manny Pacquiao sa pagkakatalaga nito bilang bagong pinuno ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Ayon kay Ordanes, higit pa sa pagiging mensahero ang papel ni Pacquiao sa NAPC dahil siya mismo aniya ang nagsisilbing mensahe ng pag-asa at progreso para sa mga naghihikahos na Pilipino.
Dagdag ni Ordanes, makatutulong sa bagong tungkulin ni Pacquiao ang karanasan nito bilang senador at kongresista, gayundin ang personal na karanasan sa pag-ahon mula sa kahirapan.
Samantala, sinabi naman ni Chua na ang pag-angat ni Pacquiao mula sa kahirapan ay nagbibigay ng pag-asa sa mga maralitang Pilipino at nagpapakita na maaaring makaahon sa buhay ang isang taong determinado.
Umaasa si Chua na magagamit ni Pacquiao ang kanyang lakas at karisma upang mapakilos ang NAPC at mga katuwang na ahensya para mas mabilis at tapat na mapaglingkuran ang mga Pilipinong nangangailangan.