Mas pinalawak pa ang pagkakataon ng mga mangagawang Pilipino na magkaroon ng sariling tahanan matapos lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang SM Development Corporation (SMDC) at Pag-IBIG Fund.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, mag-aalok ang SMDC ng mas mababang presyo (preferential pricing) sa mga piling yunit para sa mga kwalipikadong miyembro ng Pag-IBIG. Kabilang sa mga paunang proyektong kabilang dito ang Coast Residences at ICE Tower sa Pasay City, Spring Residences sa Parañaque City, ilang awang ng Hill Residences sa Quezon City, at SMDC Cheerful Homes 1 at 2 sa Pampanga. Kasalukuyan na ring pinoproseso ang akreditasyon ng iba pang proyekto sa Makati, Mandaluyong, at iba pang umuunlad na lungsod.
Pahayag ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Board Chairman Jose Ramon P. Aliling, ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilapit ang mga tahanan sa lugar ng trabaho ng mga pamilyang Pilipino.
“Dahil sa pinalaking Pag-IBIG Housing Loan na abot na sa ₱10 milyon bawat kwalipikadong miyembro, mas marami na tayong kababayan na makakapili ng tahanan sa SMDC sa abot-kayang hulugan. Ito ang layunin ng Expanded 4PH—ang pagsamahin ang suporta ng gobyerno at ng pribadong sektor,” ani Aliling.
Pinatunayan naman ni SM Prime at SMDC President Jeffrey C. Lim ang kahalagahan ng pagtutulungang ito. “Ang pagkakaroon ng sariling bahay ay napakahalagang layunin para iasa lamang sa iisang institusyon. Sa pagtutulungan ng DHSUD, Pag-IBIG, at SMDC, mas mabibigyan natin ang mga mamimili ng mas magandang pinansyal na tulong, tamang espasyo, at magandang lokasyon,” pahayag ni Lim.
Binigyang-diin din ni Pag-IBIG Fund CEO Marilene C. Acosta na nagiging ganap lamang ang halaga ng murang pautang kung may magagandang bahay na mapagpipilian ang mga miyembro.
“May iniaalok kaming promotional rates na 4.5% para sa pautang na hanggang ₱4.9 milyon, at 5.75% para sa lampas ₱4.9 milyon hanggang ₱10 milyon na magagamit hanggang sa katapusan ng taon,” dagdag ni Acosta.
Dumalo at sumaksi sa pirmahan ng kasunduan sina Secretary Aliling at SMDC Executive Vice President Grace Sta. Ana, habang opisyal na nilagdaan nina Acosta at Lim ang dokumento kasama ang iba pang matataas na opisyal ng Pag-IBIG, SM Prime, at SMDC.