Patuloy na mino-monitor ng mga lokal na pamahalaan ng Malabon at Quezon City ang mga lugar na nakararanas ng pagbaha dahil sa patuloy na pag-ulan.
Sa Malabon, batay sa flood monitoring ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO alas-9 ng umaga, ilang lugar ang hindi na passable sa light vehicles, kabilang ang Catmon-Sitio 6 na may 19 inches na tubig; Hulong Duhat-Don Basilio Bautista, Ibaba-C. Arellano Camus, San Agustin-C. Arellano at San Agustin-Rizal Avenue McDo na may tig-10 inches; at Tugatog-M.H. Del Pilar na may 13 inches.
Samantala, sa Quezon City, may naitalang hanggang bewang na baha o hanggang 37 inches sa NS Amoranto corner Don Jose Street at NS Amoranto corner Palali Street sa Barangay Sienna, batay sa road status alas-8:55 ng umaga.
Lagpas gulong na rin ang tubig sa NS Amoranto corner Banawe, Tabayoc at Ubay Streets, habang abot tuhod sa West Riverside Interior sa Barangay Damayan at Don Jose Street corner Sct. Alcaraz Street sa Sienna.
Patuloy ang pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan na matiyak ang kaligtasan at maayos na daloy ng trapiko sa mga kalsada.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at mag-ingat sa pagbiyahe, lalo na sa mga lugar na may mataas na baha.