Nasa 345,838 bags ang kasalukuyang inventory ng rice stocks ng National Food Authority o NFA Eastern Pangasinan sa iba’t-ibang warehouse sa lalawigan.
Ayon kay Frederick Dulay, branch manager ng NFA Eastern Pangasinan, katumbas ito ng tinatayang 272,906 bags ng bigas kapag naproseso. Batay sa rice requirement ng Pangasinan, maaari itong tumagal nang hanggang 11 araw.
Nilinaw ni Dulay na government stocks lamang ang sakop ng naturang bilang at hindi nangangahulugang mauubos ang suplay ng bigas sa loob ng 11 araw, dahil mayroon pang commercial at household stocks.
Patuloy rin ang pagkuha ng bigas ng mga lokal na pamahalaan para sa kanilang mga programa at relief operations.
Samantala, nagpapatuloy ang procurement ng NFA ng palay mula sa mga lokal na magsasaka at nakahanda na ang kanilang mga warehouse para sa paparating na main crop season.
Patuloy din ang koordinasyon ng NFA sa Provincial Agriculturist’s Office at Department of Agriculture para matukoy ang pinsala sa mga palayan dahil sa pagbaha at mga nagdaang bagyo.
📸 NFA Pangasinan