Humihirit ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng dagdag na ₱5.3 bilyon para sa scholarship programs nito sa 2027 upang hindi mabawasan ang bilang ng mga Pilipinong tinutulungan ng ahensya.
Sa budget briefing, ipinaliwanag ni TESDA Secretary Kiko Benitez na kailangan ang dagdag na pondo upang maibalik man lang sa antas ng 2026 ang kanilang scholarship budget at mapanatili ang bilang ng mga scholarship slots.
Ayon kay Benitez, maaaring makapagsilbi ang karagdagang ₱5.3 bilyon sa humigit-kumulang 162,000 karagdagang learners, sa panahong patuloy na tumataas ang demand para sa technical-vocational education and training.
Iginiit ni Benitez na hindi dapat lumiit ang bilang ng natutulungang scholars habang pinalalawak ng TESDA ang access sa skills training at qualification programs para sa mga Pilipino.
Bukod sa scholarship programs, humihingi rin ang TESDA ng dagdag na ₱933.9 milyon para sa Training for Work Scholarship Program (TWSP), at ₱777.6 milyon para sa Special Training for Employment Program (STEP).
Pinakamalaki naman sa mga karagdagang kahilingan ang ₱2.4 bilyon para sa Universal Access to Quality Tertiary Education, para sa 46,730 learners sa mga diploma program ng TESDA.