Pinaiimbestigahan sa Kamara ang paulit-ulit na pagbaha sa North Luzon Expressway (NLEX), partikular sa bahagi ng San Simon Exit sa Pampanga.
Kasunod ito ng matinding pagsikip ng trapiko noong Agosto 30 at 31, kung saan maraming motorista ang na-stranded dahil sa baha.
Ayon kay House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, kailangang magpaliwanag ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), NLEX Corporation, Toll Regulatory Board (TRB), at iba pang kaugnay na ahensya tungkol sa kanilang pananagutan at posibleng civil liability.
Binigyang-diin ni Hernandez na hindi na ito unang insidente ng pagbaha sa lugar, dahil nalubog na rin sa baha ang naturang bahagi ng NLEX noong Agosto 2023.
Kuwestiyon din ng mambabatas ang patuloy na paniningil ng toll kahit hindi na maibigay sa mga motorista ang ligtas at maayos na serbisyong inaasahan kapalit ng bayad.
Giit niya, may katapat na obligasyon ang karapatang maningil ng toll — kabilang ang pagpapanatiling ligtas at maayos ng kalsada at agarang pananagutan kapag may aberya.
Pinuna rin ni Hernandez ang hindi agad pagsususpinde sa toll collection habang stranded ang mga motorista.
Bagamat welcome aniya ang refund, hindi na nito maibabalik ang oras at abalang dinanas ng mga pasahero at motorista.
Kabilang din sa panukala ang pagkakaroon ng malinaw na mekanismo para sa awtomatikong pagsususpinde ng toll collection kapag may matinding pagbaha, malawakang aberya o emergency sa tollway.