Screenshot
Mariing tututulan ng prosekusyon ang mosyon para sa patuloy na hospital confinement ni dating House Speaker Martin Romualdez na nahaharap sa kasong plunder sa Sandiganbayan 3rd Division.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, kokontrahin ng prosekusyon ang naturang mosyon at hihilingin na isang team ng government doctors ang magsagawa ng medical assessment kay Romualdez.
Aniya, layon nitong matukoy kung kinakailangan ba talagang manatili si Romualdez sa ospital dahil sa mga idineklarang karamdaman o maaari namang gamutin ang mga ito sa labas ng ospital.
Kung mapapatunayan naman umanong maaaring i-manage ang kanyang kondisyon nang hindi naka-confine sa ospital, igigiit ng prosekusyon ang agarang paglipat ni Romualdez sa regular na detention facility, gaya ng iba pang mga akusado sa mga non-bailable na kaso.
Una nang itinakda ng Sandiganbayan 3rd Division sa Huwebes, September 10, ang pagdinig sa mosyon ni dating House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na manatili sa Cardinal Santos Medical Center habang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP).
Para sa pagdinig, ipinatawag ng korte bilang mga testigo ang apat na doktor ni Romualdez at inatasan ang mga ito na magbigay ng kaukulang medical records. Inatasan din si Romualdez at/o kanyang mga doktor na isumite ang resulta ng lahat ng pertinent medical examinations.